HINDI ito ang klase ng buhay na gusto ni Malinda. Nauubos ang oras niya sa loob ng bahay. Naghihintay. Nagaabang. Inip na inip na siya.
Tumayo si Malinda mula sa kinauupuan. Kinapa ang pasimano at itinukod ang mga kamay dito upang tulungan siyang makatayo. Dahan-dahang umikot at iniunat ang isang kamay upang magsilbing gabay.
Sa ilang taong inilagi niya sa sariling bahay, hindi niya lubos maisip kung paano naging tila isang estrangherong lugar ang kanyang kinaroroonan. Hindi niya magawang kabisaduhin ang bawat sulok nito; hindi niya magawang kilalanin ang bawat kanto.
Sa pamamagitan ng nangangapang kamay ay natunton niya ang kinaroroonan ng pinto ng kanyang kuwarto. Gumagabi na naman. Alam niya ito hindi dahil nakikita niya ang oras mula sa relo. Alam niya ito hindi dahil madilim na, na walang pinagkaiba sa dilim na nakikita niya dalawampu’t apat na oras ng kanyang araw. Alam niya ito dahil naririnig na niya ang huni ng mga kulisap sa bakuran, at ng butiki sa kisame ng bahay.
Nagugutom siya pero hindi niya magawang ipaghain ng pagkain ang sarili.
Ilang pasa na ang kanyang inabot sa pagtatangkang tunguhin ang kusina. Tuwina, nabubunggo siya sa mesa, o bangko, o poste na nakahambalang sa kanyang daan. Ilang sugat na ang kanyang inabot sa pagtatangkang buksan ang mga pagkaing de-lata. Ilang beses na rin siyang nadapa sa paghahanap ng paminggalan, ng palikuran, ng higaan.
Ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay nananawa na siya sa buhay na ito. Hindi na niya nagagawa ang mga bagay na gusto niyang gawin. Hindi na siya nagtangkang kumuha ng taong tutulong sa kanya araw-araw. Ayaw niyang magkaroon na naman ng isang Pining sa buhay niya.
Nang hapon ding iyon ay dumating ang kapatid na si Nardo upang muling maghatid ng balita. Isang recipient na lang daw ang nauuna sa kanya. Sumunod nito ay siya na ang makatatanggap ng donasyong mata mula sa Eye Donor’s Foundation.
Magandang balita ito, totoo. Pero alam niyang mas magandang balita pa ang darating sa kanya sa susunod na mga araw.
Hindi na niya kailangang magtanong kung paanong sa napakabilis na panahon ay siya na halos ang susunod na recipient ng foundation. Hindi na siya magtataka kung bukas makalawa ay nakatakda na siyang operahan sa mata.
Alam niyang ginagawa ng mahal na kapatid ang tungkulin nito sa kanya. Hind na niya kailangang magtanong. Hindi na niya kailangang mag-usisa. Ginagawa ni Nardo ang lahat ng magagawa upang siya’y muling makakita.
Ang kanina’y nakapanlulumong pakiramdam sa kanyang kinasapitan ay napalitan ng kasiyahan.
Habang nakahiga sa sariling kama, unti-unti, bumangon ang pananabik sa katauhan ni Malinda. Muli na siyang makakakita sa lalong madaling panahon. Muli na niyang magagawa ang lahat ng kanyang gusto. Muli na siyang makakaaninag ng liwanag.
Lumabas ang maluwang na ngiti sa kanyang mga labi, na unti-unting humulma sa mas malaking tawa, na humantong sa mas malakas na halakhak. Halakhak ng tagumpay at kasiyahan.
Isang nakakikilabot na halakhak ang bumasag sa malalim at tahimik na gabi sa tahanan ni Malinda.
Itutuloy. . .