VarCheer Scam Edition

Posted January 13, 2016 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

Tags: , , , , , , ,

Paminsan-minsan masaya ding pumatol sa mga luku-lukong scammers.

At dahil restday ni dodong, nilibang ko ang sarili ko sa bago kong txtmate. Say hello to my scammer, +639067395364.

As early as 7AM, Ni-report ko na ang scam sa Globe para hindi na makapangbiktima pa (http://www.globe.com.ph/stopspam). Confirmation message says “Mobile numbers associated with scam are immediately blacklisted and cut off from Globe services”.

Pero nagpatuloy pa rin ang palitan namin ng text messages hanggang tanghali. Ibig sabihin, joke lang un “immediate” LOLOLOL😀😀😀.

After not receiving any messages from my beloved scammer, naisip kong maaaring napagtanto na niyang bistado ko sya o di kaya’y na-blacklist na siya ni Globe, “immediately”!

Tunghayan ang #TextSerye na kikiliti sa makating kili-kili at magpapalabas ng utot na matagal nang tinatago.

Enjoy!

#VarCheerScamEdition
#TextScam
#BelovedScammer
#PatolPaMore
#UnliText
#Obotolohiya
#TheGreatPabitin
#StartingLangWalangEnding

Follow #obotolohiya sa Twitter @obotolohiya o Facebookhttps://www.facebook.com/Obotolohiya.

Sundan din ang mga kwentong nasimulan pero kung tatapusin ay hindi alam.

www.obotolohiya.wordpress.com

Credit to #VarCheer creator for the name of the characters sa makabuluhang serye na ito. Cheers!

 

010203040506070809101112131415161718192021

 

 

Eye Donor – Part VIII

Posted January 30, 2012 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

 

HINDI ito ang klase ng buhay na gusto ni Malinda. Nauubos ang oras niya sa loob ng bahay. Naghihintay. Nagaabang. Inip na inip na siya.

Tumayo si Malinda mula sa kinauupuan. Kinapa ang pasimano at itinukod ang mga kamay dito upang tulungan siyang makatayo. Dahan-dahang umikot at iniunat ang isang kamay upang magsilbing gabay.

Sa ilang taong inilagi niya sa sariling bahay, hindi niya lubos maisip kung paano naging tila isang estrangherong lugar ang kanyang kinaroroonan. Hindi niya magawang kabisaduhin ang bawat sulok nito; hindi niya magawang kilalanin ang bawat kanto.

Sa pamamagitan ng nangangapang kamay ay natunton niya ang kinaroroonan ng pinto ng kanyang kuwarto. Gumagabi na naman. Alam niya ito hindi dahil nakikita niya ang oras mula sa relo. Alam niya ito hindi dahil madilim na, na walang pinagkaiba sa dilim na nakikita niya dalawampu’t apat na oras ng kanyang araw. Alam niya ito dahil naririnig na niya ang huni ng mga kulisap sa bakuran, at ng butiki sa kisame ng bahay.

Nagugutom siya pero hindi niya magawang ipaghain ng pagkain ang sarili.

Ilang pasa na ang kanyang inabot sa pagtatangkang tunguhin ang kusina. Tuwina, nabubunggo siya sa mesa, o bangko, o poste na nakahambalang sa kanyang daan. Ilang sugat na ang kanyang inabot sa pagtatangkang buksan ang mga pagkaing de-lata. Ilang beses na rin siyang nadapa sa paghahanap ng paminggalan, ng palikuran, ng higaan.

Ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay nananawa na siya sa buhay na ito. Hindi na niya nagagawa ang mga bagay na gusto niyang gawin. Hindi na siya nagtangkang kumuha ng taong tutulong sa kanya araw-araw. Ayaw niyang magkaroon na naman ng isang Pining sa buhay niya.

Nang hapon ding iyon ay dumating ang kapatid na si Nardo upang muling maghatid ng balita. Isang recipient na lang daw ang nauuna sa kanya. Sumunod nito ay siya na ang makatatanggap ng donasyong mata mula sa Eye Donor’s Foundation.

Magandang balita ito, totoo. Pero alam niyang mas magandang balita pa ang darating sa kanya sa susunod na mga araw.

Hindi na niya kailangang magtanong kung paanong sa napakabilis na panahon ay siya na halos ang susunod na recipient ng foundation. Hindi na siya magtataka kung bukas makalawa ay nakatakda na siyang operahan sa mata.

Alam niyang ginagawa ng mahal na kapatid ang tungkulin nito sa kanya. Hind na niya kailangang magtanong. Hindi na niya kailangang mag-usisa. Ginagawa ni Nardo ang lahat ng magagawa upang siya’y muling makakita.

Ang kanina’y nakapanlulumong pakiramdam sa kanyang kinasapitan ay napalitan ng kasiyahan.

Habang nakahiga sa sariling kama, unti-unti, bumangon ang pananabik sa katauhan ni Malinda. Muli na siyang makakakita sa lalong madaling panahon. Muli na niyang magagawa ang lahat ng kanyang gusto. Muli na siyang makakaaninag ng liwanag.

Lumabas ang maluwang na ngiti sa kanyang mga labi, na unti-unting humulma sa mas malaking tawa, na humantong sa mas malakas na halakhak. Halakhak ng tagumpay at kasiyahan.

Isang nakakikilabot na halakhak ang bumasag sa malalim at tahimik na gabi sa tahanan ni Malinda.
Itutuloy. . .

Eye Donor – Part VII

Posted December 28, 2011 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

 

ISANG ingay ang naging dahilan ng pagkagising ni Luisa sa mahimbing na pagtulog. Naalimpungatan siya nang marinig ang langitngit ng lumalagutok na kawayan ng kanyang papag, nagbabadya ng pagbigay ng hibla nito sa bigat ng bagay na pumupuwersa rito.

Ilang saglit lang ang nakalipas, hindi pa man lubusang gising ang kanyang diwa, ay naramdaman na niya ang malakas na dampi ng kamay ng isang lalaki sa kanyang mukha. Isang malakas na sampal na nagpa-ikot sa kanyang naalimpungatang pagi-isip. Unti-unti, pumaimbulog ang kanyang diwa patungo sa mas madilim at mas malalim na panaginip.

Tila hindi isang panaginip lang ang lahat. Nang muling bumalik ang ulirat ni Luisa ay bikig ng tela ang kanyang bibig. Impit ang kanyang hinaing nang makaramdam ng sakit mula sa lumulundong katawan ng lalaki sa kanyang ibabaw. Sakit na gumuguhit mula sa sentro ng kanyang katauhan. Isa itong napakasaklap na bangungot.

Walang patumanggang inangkin ng estrangherong lalaki ang kanyang puri. Walang awang winawasak sa pamamagitan ng bawat ulos nito ang kanyang mga pangarap. Nanghahapdi ang sugat na dulot nito sa kanyang katawan. Namamanhid ang puno ng kanyang dibdib sa walang habas nitong pagsagpang sa mura niyang laman. Nagdudulot ng libong sakit ang patuloy nitong pagluray sa kanyang kaselanan.

Patuloy ang pagdaloy ng luha mula sa bulag niyang mga mata. Ayaw papigil. Ayaw paawat.

Sinubukan niyang pumiglas, pero nakagapos ang kanyang mga kamay.

Hindi niya nagustuhan ang dilim kailanman. Kailangan niya ng liwanag. Kailangan niya ng liwanag sa mga oras na ito. Pero tila hindi sinasagot ng taga-bantay ng kayamanan ang kanyang piping dalangin. Ang tanging rumerehistro lamang sa kanyang isipan ay ang masaklap na kinasapitan niya sa kamay ng estrangherong lalaki. Ang lahat ng tibay ng loob na inipon niya ng maraming taon upang ipagtanggol ang sarili sa hirap ng buhay ay tila nalusaw na parang kandila. Awa ang nanalaytay sa kanya para sa sarili. Wala siyang magawa. Kulang ang kanyang lakas upang ipagtanggol ang sarili.

Paano na ang bukas? Paano na ang pangarap? Paano na ang liwanag?

Ito na ang pinakamahabang sandali ng kanyang buhay. Bawat segundo ay pasakit ang dulot sa kanya. Wala siyang ibang hiling kung hindi ang matapos ang delubyong lumulukob sa kanya ngayon. Kailan matatapos ito? Kailan matatapos ang bangungot na kinasadlakan ko? Kailan?

 

MATAPOS ilugso ang puri ng walang labang babae ay pinagpahinga ni Nardo ang sarili. Walang malay ang kawawang bulag na nasa kanyang tabi.

“Papatayin din lang kita, mabuti nang pakinabangan ka muna.”

Bagsak ang katawan na natulog si Nardo sa papag ng maliit na barung-barong.

Ilang oras ang lumipas at naramdaman niya ang tangkang pagbangon ng babae. Nakaupo na ito sa gilid ng papag, nakagapos ang mga kamay sa harapan, tangkang tumakas.

Pero saglit lang ay hablot na ni Nardo ang buhok ng hubad na babae. Malakas na ibinalandra ito sa poste ng kawayan sa ulunan ng papag. Nabasag ang hitik na laman ng kawayan dahilan upang tumapon sa nagdurugong mukha ng babae ang mga munting baryang kanyang pinag-ipunan.

Saglit lang ang naging pagkagulat ni Nardo sa natuklasan. Nang makitang tila muling nawawalan ng malay ang babae dahil sa mabilis na pagdaloy ng dugo mula sa ulo nito ay muli niya itong inihiga sa papag at muling pinagpasasaan.

“Hindi mapupunta sa’yo ang mata na para sa kapatid ko!” isang matinding ulos ang kanyang pinakawalan. Narinig niya ang pag-igik ng babae mula sa likod ng bikig na nakabara sa bibig.

“Walang ibang pagbibigyan ng susunod na mata kundi si Malinda!” isang matinding ulos at muling umigik ang dalaga.

“Walang halaga ang buhay mo kumpara sa buhay ng kapatid ko!” isang matinding ulos ngunit wala nang narinig mula sa babae.

“Hanggang dito ka na lang!” Ipinagpatuloy ni Nardo ang pagsasamantala sa walang buhay na babae hanggang sa siya’y mapagod.

Matapos masigurong patay na ang dalaga ay iniwan na niya ito. Nakalahad ang kahubdan ng katawan sa maliit na papag, patuloy na umaalpas ang dugo mula sa sugatang ulo, katabi ang mga munting kayamanang sana’y magbibigay sa kanya ng liwanag at pag-asa.

 
Itutuloy . . .

Eye Donor – Part VI

Posted October 23, 2011 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

 

DAHAN-dahang itinayo ni Luisa ang namimitig na binti. Nangimi ang mga ito sa maghapong pamamalimos sa gilid ng tulay. Ilang segundo ang kanyang pinalipas bago tuluyang iniunat ang mga paa habang nakahawak sa barandilya ng bakal na tulay. Sa kanang kamay ay binitbit ang lumang gitara, at sa kaliwa ay ang sisidlang sako kung saan nakalagay ang kanyang pinaglimusan.

Sa tulong ng barandilyang bakal ay binaybay niya ang daan pababa ng tulay. Nang marating niya ang pinakababang baitang ay tinahak niya ang daan patungo sa munti niyang tahanan. Animo hindi bulag na binaybay ang parehas na daan na tinatahak sa araw-araw ng kanyang buhay.

Alam na niya ang pasikut-sikot ng lugar. Alam na niya kung ilang hakbang bago makarating sa unang poste, kung paano siya liliko ng bahagya upang maiwasan ito, at kung paano muling pipihit ng kaunti upang bumalik sa dating direksyon. Alam na niya kung kailan siya may makakasalubong na tao sa pamamagitan ng yabag ng mga ito. Alam niya kung kailan hihinto, susulong, hihinto. Alam niya kung may paparating na sasakyan sa pamamagitan ng pakikinig sa huni ng motor nito. Alam niya kung gaano kalayo ang sasakyan, at kung anong klaseng sasakyan ito. Kung gaano kabilis, kung gaano kabagal.

Kaya naman nagtaka siya nang bumangga siya sa isang lalaki. Napagtanto niya ito sa lapad ng katawan. Nanliit siya ng mahinuhang sa balikat nito tumama ang kanyang noo. Matangkad ang lalaki, alam niya. At batid din niyang nakaharang pa rin ito sa kanyang daraanan. Ramdam niya ang paghugot nito ng hininga at dinig ang pagngangalit ng mga bagang.

“A-ano ang kailangan mo sa akin?” nahihintakutan niyang sabi. Batid niyang may hindi magandang hangad sa kanya ang lalaki. Huli niyang naranasan ang pakiramdam na ito nang puwersahang kunin ng isang lalaki ang laman ng kanyang lata minsan isang gabi. Napahigpit ang hawak niya sa bitbit na sakong sisidlan.

“Wala. Wala,” ani ng lalaki sa kanyang harapan. “Gusto lamang kitang tulungan. Nakita ko kung paano ka naglalakad nang wala man lang dalang tungkod o patpat kaya.”

Hinamig ni Luisa ang sarili. “Salamat. Pero hindi ko kailangan ng tulong. Kaya ko ang sarili ko,” matatag niyang sagot.

Narinig niya ang malakas nitong pagbuntung-hininga. Pero hindi ito umalis sa kanyang daraanan. Pumihit pakanan si Luisa, pero muling humarang ang lalaki. Pumihit siya pakaliwa, pero pilit muling iniharang ng lalaki ang katawan sa kanyang daraanan.

“Nagmamagandang loob lang naman ako,” samo ng lalaki na ngayon ay mas mahinahon na ang boses.

“Gusto ko nang umuwi. Paraanin mo ako.” Buo ang loob ni Luisa nang sabihin ito. Ilang taon siyang nabuhay sa kalsada nang mag-isa. Kailanman ay hindi niya kinailangan ang tulong ng iba upang makauwi. Lalo’t higit, hindi niya kailangan ang tulong ng isang estranghero para hanapin ang kanyang daan.

“Wala akong ibang hangad kundi ang tulungan ka. Masiguro ko man lang na makakauwi ka nang maayos.”

Habang sinasabi ito ng lalaki ay pinakikiramdam niya ang mga kilos nito, pati ang boses. Buo ang boses ng lalaki, tila walang tinatago. Wala ang inaasahan niyang kaunting garalgal bilang pruweba ng masamang saloobin nito katulad ng kanyang hinihinala.

“Hindi kita kilala,” aniya sa lalaki. Nanatili itong nakatayo sa harapan niya, hinihintay na kusa itong umalis sa kanyang daraanan. Wala siyang balak makipag-patintero dito.

“Ako si Nardo”.

Patlang.

“Hindi sa kung anupaman, pero, bulag din ang kapatid ko at alam ko ang hirap ng walang paningin. Nagmamalasakit lang naman ako tulad ng pagmamalasakit na ibinibigay ko sa aking kapatid. Ayokong mapahamak ka dahil para na ring ipinahamak ko ang kapatid ko.”

“Katulad ng sabi ko, kaya ko ang sarili ko,” pagmamatigas ni Luisa.

“Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ka pumapayag na ihatid ko.”

Hindi tuminag si Luisa.

Naghintay ang lalaki, pero walang nangyari. Kaya matapos ang ilang minutong paghihintay ay sumuko ito at kusang umalis sa kanyang daraanan.
 
Ipinagpatuloy ni Luisa ang paglalakad. Maingat na tinahak ang bawat pulgada ng kalsadang tinutungo ng paa. Sinigurong mapapatunayan sa lalaki na kaya niyang umuwi ng mag-isa ng ligtas sa kapahamakan. At nagtagumpay siya.

Ayon sa sariling kalkulasyon, ilang minuto na lang, ilang hakbang na lang, nasa sariling tahanan na siya.

Nang masayaran ng paa ang pamilyar na malambot na lupa sa harap ng bahay, kinapa niya ang seradura ng pinto. Nang makapasok ay ibinaba ang mga gamit. Inilabas mula sa sisidlang sako ang isang balot ng tinapay na nagsilbi niyang hapunan nang gabing iyon.

Kapagdaka ay tinungo niya ang maliit na batalan sa sulok ng bahay. Sa gilid nito ay ang malaking balde ng malamig na tubig mula sa ulan noong nakaraang araw. Nilinis ni Luisa ang sarili mula sa alikabok na dumikit sa kanyang balat sa maghapong pagkanta at pamamalimos sa gilid ng tulay na bakal. Sinigurong natanggal ang lahat ng namamagitang dumi sa balat ng kanyang palad at katawan habang hinihilod ang bawat sulok nito.

Nang matapos kumain at maglinis ng katawan ay inihanda ang sarili sa pagtulog. Humiga sa matigas ngunit malamig na papag, yakap ang kinakalawang na lata na nagsisilbing baul ng kanyang munting mga kayamanan. Kinapa sa bandang ulunan ang noo’y magaspang pero ngayo’y makinis nang haligi ng kawayan dahil sa araw-araw na kanyang pagsalat sa bawat hulma ng mabilog nitong katawan. Mula sa matibay at matigas na buko ay dahan-dahang binaybay ng kanyang mga daliri ang bahagi kung saan naroroon ang maliit na siwang na kanyang ginawa.

Animo ritual na dumukot ang kanyang mga kamay sa bunganga ng kalawanging lata, kinuha ang lahat ng munting kayamanang kanyang makukuha, at inilipat ito isa-isa sa naghihintay na siwang ng haliging kawayan.

Magmimistula na namang balon ng kayamanan ang haligi. At kapag ito ay napuno, na inaasahan niya ilang araw mula ngayon, muli na naman niya itong sasalupin sa pamamagitan ng paga-angat ng tablang naka-angkla sa ibabaw nito at pagdukot sa kaibuturan ng haligi. Salamat sa mga imahe ng poon na nakahimpil sa ibabaw ng tabla, na sa tanang buhay niya ay hindi pa niya nakikita, sa pagsisilbing bantay ng kanyang kayamanan.

Bago pa tuluyang lumamig ang simoy ng hangin sa gabi at lukubin ng pusikit na dilim ang kanyang barong-barong ay hinila na ng antok ang pagal na katawan ni Luisa. Kusa siyang nagpatangay sa agos ng pagod niyang katawan. Maya-maya pa, mahimbing nang natutulog ang kanyang isipan.

 

Itutuloy . . .

Eye Donor – Part V

Posted September 20, 2011 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

“SALAMAT po”, ani Luisa nang marinig ang munting kalansing ng nahulog na barya sa tangan na lata. Bawat baryang kanyang natatanggap ay kanyang ipinagpapasalamat. Pinahahalagahan niya ang tulong na iniaabot ng bawat taong nagmamagandang loob na magbigay sa kanya kahit isang pirasong barya. Pandagdag din ito sa kanyang naipon.

Naramdaman ni Luisa ang lamig ng hanging dumapyo sa kanyang balat. Maggagabi na. Kailangan na niyang umuwi.

Bagama’t hindi nakakakita, mas gugustuhin ni Luisa na umuwi nang maliwanag pa ang kalangitan. Kahit pa nakasarado ang talukap ng kanyang mga mata ay alam niyang maliwanag ang paligid. Sa dalawampu’t walong taon niya sa mundo ay natutunan niyang ipagkaiba ang liwanag sa dilim.

Tuwing tanghali, habang nakaupo sa gilid ng tulay na bakal sa mataong kanto ng lugar na iyon, nangungunot ang kanyang noo sa matinding sikat ng araw na animo siya ay nasisilaw. Kapag mataas ang araw, sa halip na umiwas at pumuwesto sa malilim na lugar, mas pinipili niyang manatili sa ilalim ng sikat nito.

Ang araw ang kanyang kakampi. Ang maliwanag na sikat ng araw ang nagbigay sa kanya ng pag-asang siya’y muling makakakita. Ang araw ang naging dahilan upang siya’y magsikap na mag-ipon ng pera upang gamitin sa operasyon ng kanyang mga mata.

Naaalala pa niya. Sa tulong ng kapwa niya mga bulag na nanlilimos sa iba’t-ibang bahagi ng Kamaynilaan, napag-alaman niya kung saan maaring pumunta at magpatingin ng mga mata.

Bulag man sila ay may mga pangarap din. Halos lahat sa kanila ay dumaan sa mga doktor na nagbibigay ng kanilang serbisyo ng walang bayad. Umaasang ang kapalaran nila ay mabaligtad sa tulong ng mga espesyalistang ito. Pero hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon.

Gusto pa rin niyang hamunin ang kapalaran. Sinamantala ni Luisa ang pagkakataon nang minsang madinig niya mula sa kasamahang nanlilimos, kasama ang anak nito, na mayroong doktor sa mata sa loob ng gusali malapit sa tulay na kanyang pinupuwestuhan.

Naglakas-loob siyang tunguhin ang lugar nang mag-isa. Sa determinasyong mahanap ang doktor na tinutukoy ng anak ng kasamahang bulag, natagpuan niya ang sarili na nakapila sa hanay ng mga pasyenteng gustong magpatingin ng kanilang karamdaman.

Bata pa siya noon. Pinakabata sa mga nanlilimos sa tulay ng mataong kanto. Kung hindi lamang siya iniwan ng mga magulang sa sariling bahay nang mag-isa, dahil siguro sa pagod sa paga-alaga sa kanya, hindi niya gugustuhing mamalimos sa murang edad. Sa halip, pipiliin niyang ipagpatuloy ang paga-aral sa kumbentong malapit sa kanila sa tulong ng mga madre.
 
Wala siya noong mapuntahan. Wala siyang masulingan. Kahit ang mga madre ay hindi siya matulungan dahil na rin sa kakulangan ng pondo ng kanilang kumbento. Dahil sa walang direksyong pangangapa at paghahanap ng kapalaran, napadpad siya sa mataong kanto ng lugar na iyon at nawalan ng ulirat dahil na rin sa pagod at matinding gutom, upang magising lamang kinabukasan na may hawak na mga barya sa kamay.

Dito sa mataong kanto na ito nagpatuloy ang kanyang buhay.

Ilang taon na rin ang nakalilipas mula nang mapag-alaman niya mula sa mabuting doktor na tumingin sa kanya na may pag-asang siya’y muling makakita. Tinulungan pa siya nitong dalhin sa ospital upang lubusang masuri ang kanyang mga mata. At tulad ng pag-asang inihatid ng doktor, at ng haring araw na tuwina’y naghahatid sa kanya ng liwanag, isang positibong resulta rin ang ibinalita sa kanya ng ospital. Maaari pa siyang makakita sa pamamagitan ng operasyon, pero tanging isang mata lamang ang kayang isalba. Mabuti na iyon. Mabuti na.

Pero hanggang doon lamang ang kaya nilang ipagkaloob sa kanya. Isang munting pag-asa na siya’y muling makakita. Bagama’t nabuhay ang kanyang loob, hindi niya ito lubusang mailabas, dahil hindi puwedeng umasa na lamang siya sa magandang balita. Kailangan niyang kumilos. Kailangan niya ng operasyon.

Paano niya ito magagawa kung siya’y hamak na bulag lamang na nanlilimos ng awa sa mga taong dumadaan sa kanto na iyon? Kailangan niyang gumawa ng paraan.

Nagsumikap siyang ipunin ang lahat ng baryang inihuhulog ng mga tao sa kanyang kinakalawang na lata. Malaking bahagi nito ay kanyang itinatabi sa isang bahagi ng bahay na pinag-iwanan sa kanya ng mga magulang. Sinanay niya ang sariling kumain ng isang beses sa isang araw para lamang maitabi ang perang maaari niyang magamit sa operasyon.

Tuwing gabi, matapos ang maghapong pamamalimos, ay hinihimas niya ang kawayang haligi ng maliit na bahay kung saan niya itinatago ang mga naipong barya sa pamamagitan ng maliit na siwang na kanyang ginawa. Wari bang sa pamamagitan ng mahinay na daiti ng kanyang mga daliri sa magaspang na kawayang poste ay maiparating niya rito ang pasasalamat sa pagtatago ng munti niyang kayamanan.

Tuwing mararamdaman niyang namumutok na ito sa kapal, kung saan ang tunog mula sa kawayan ay hungkag tuwing kanyang kakatukin, ay kinukuha niya ang lahat ng barya at salapi mula dito at dinadala sa bangko upang i-deposito. Ganito ang ginawa niya sa loob ng maraming taon.

At ngayon nga, ilang sandali na lamang ang kanyang ipaghihintay. Nakatakda na siyang operahan sa oras na may matanggap na donasyon na mata ang EDF. Mabuti na lamang at inirekomenda siya ng ospital na tumingin sa kanya sa ahensyang ito.

Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman ngayong nabalitaan niya mula sa ahensya na siya na ang susunod na makatatanggap ng donasyong mata mula sa EDF. Pag-asa ang hatid na balita ng mga tao ng ahensya sa kanya. Bagama’t kinalulungkot niya ang nangyari sa taong siya dapat na tatanggap ng susunod na donasyong mata sa ahensya, hindi pa rin niya maitago ang pananabik sa nalalapit niyang operasyon.

Hindi niya ginagawa ito para sa sarili lamang. Ginugol niya ang mahabang panahon ng kanyang buhay sa dilim at kakaunting liwanag mula sa araw. Ayaw niyang habambuhay na makiamot sa kakarampot na liwanag na dulot ng haring araw. Gusto niyang lubusan itong makita. Gusto niyang maramdaman ang init nito sa kanyang mga mata. Gusto niyang hindi lamang dampi ng init nito ang kanyang maranasan, kundi upang mabuglawan ang natatangi nitong ganda.

Sa kakaunting liwanag na dulot nito, na nanunuot sa manipis na talukap ng bulag niyang mga mata, libong pag-asa na ang dala. Ano pa kaya kung bukas ang isa niyang mata at sinasalo ang lahat ng liwanag na kaya nitong ibigay? Oo, isang mata lang ang kayang pagalingin ng operasyon. Pero sapat na iyon para yakapin niya ang magandang kapalarang naghihintay sa kanya pagkatapos ng operasyon.

Magbabagong-buhay siya. Babangon at hahanap ng mas magandang kapalaran. Magkakaroon ng sariling pamilya katulad ng kanyang pangarap. Alam niyang marami pang naghihintay sa kanya.
Itutuloy. . .

Eye Donor – Part IV

Posted September 7, 2011 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

“MALINDA, may magandang balita ako sa’yo!” masayang bungad ni Nardo sa kapatid. Kasalukuyan silang nasa bahay na tinutuluyan ni Malinda. Nag-desisyon na rin si Nardo na samahan ang kapatid dahil na rin sa kondisyon nito.

“Talaga, Nardo? Ano iyon? Maooperahan na ba ako?” sunud-sunod na tanong ni Malinda. Hindi maitago ang pagkasabik sa mukha nito na bumabakas sa animo nakangiting mata kahit pa blangko ang kanang paningin at naka-benda ang kaliwa.

Awa sa kapatid ang naramdaman ni Nardo nang makita kung paanong bumungad ang pag-asa sa mukha ni Malinda nang malamang mayroon siyang magandang balita.

“Hindi pa,” panimula ni Nardo. “Pero malapit na. Ikaw na ang pangatlong recipient ng dugo mula sa Eye Donor’s Foundation!”

Sinubukan ni Nardo na pasiglahin ang boses nang bitiwan ang magandang balita. Hindi ito naging madali sa kanya lalo’t hindi nakatakas sa kanyang paningin ang mabilis na pagbabago ng reaksyon ng nakababatang kapatid.

Tahimik na tinanggap ng babae ang balitang ito. Muling kinapa ang pasimano at humarap sa bintana na animo may tinatanaw sa labas sa kabila ng kakulangan nito ng paningin. Nakamulat ang kanang mata, namumuti na animo binahayan ng buwan. Kumukibot-kibot, pilit na pinipigil ang damdamin ng kawalan ng pag-asa.

Matinding galit at awa ang mabilis na sumaklob sa katauhan ni Nardo. Lalong nag-umigting ang kagustuhan niya na mapa-operahan ang kapatid sa lalong madaling panahon.

Hindi kinaya ni Nardo ang tanawin at nag-desisyong muling umalis ng bahay, magpalipas ng oras sa labas. Siguro naman pagbalik niya ay tulog na si Malinda. Mas mabuti na iyon, kesa makita niya ang nakapanlulumong kulungang kinasadlakan ng nag-iisang kapatid.

Dalawang araw matapos ang ginawa niyang pagpatay sa obrerong si Manuel Orbito na siyang susunod dapat na makatanggap ng donasyong mata mula sa Eye Donor Foundation, tumungo si Nardo sa tanggapan upang kunwari’y makibalita tungkol sa papeles ni Malinda.

Katulad ng inaasahan, natanggap na ng EDF ang balitang patay na ang una sa listahan na si Manuel Orbito bilang recipient ng ahensya.

Sa parehas na araw ay naroon ang pangalawang recipient ng EDF upang makibalita. Hindi niya inaksaya ang pagkakataon. Muli niyang ginamit ang alas upang makakuha ng impormasyon.

“Naku, siya ang susunod na recipient ng foundation,” walang pagaatubiling sagot ng receptionist na si Elena sa mga tanong ni Nardo.

“Nakakatuwa nga siya eh. Biro mo ipinanganak siyang bulag at tumanda ng bulag, tapos ngayon nangangarap na makakita. Hindi pa naman talaga huli ang lahat. Sabi naman ng doktor ay may pag-asa pa ang isang mata. Puwede na iyon kesa mamatay siyang bulag, hindi ba? Ipinanganak na ngang bulag, mamamatay pang bulag. Hay naku, sana lang talaga matuloy na ang operasyon niya, matagal na siyang nagpapabalik-balik dito eh.” Tuluy-tuloy na kuwento ng madaldal na receptionist.

Siniguro ni Nardo na matatandaan niya ang lahat ng impormasyong wala sa loob na ibinibigay ni Elena. Napapangiti siya sa sarili dahil sa suwerteng natatanggap niya.

“Bakit ka napapangiti?” tanong ng babae.

“Wala. Natutuwa lang ako para sa kanya,” pagsisinungaling ni Nardo. “Mabuti hindi siya napapagod magpabalik-balik dito nang mag-isa para lang malaman kung may donor na siya,” pasimpleng tanong ni Nardo sa babae.

“Eh diyan lang naman siya sa overpass sa kanto nakatambay araw-araw, tumutugtog ng gitara at kumakanta para limusan ng mga tao. Biro mo, sa ilang taon niyang pamamalimos, nakaipon siya ng perang pampa-opera! Bilib din naman ako sa babaeng ‘yan. Mabuti na lang kamo at sinagot na ng doktor ng ospital ang operasyon niya, gamot at ibang gastusin na lang ang po-problemahin niya. Ang suwerte niya noh?”

Napatitig si Nardo sa babaeng nakaupo sa tanggapan ng ahensya. Sa kanan ay bitbit ang lumang gitarang gamit nito sa pamamalimos, at sa kaliwa ay ang ilang gamit nito na nakalagay sa sisidlan na gawa sa sako. Nakikinig ito sa paliwanag ng isa sa mga tauhan ng ahensya, at tumutugon sa pamamagitan ng pagtango.

“Uy, natulala ka na diyan? May problema ka ba?” isang mahinang tapik sa balikat ang pumukaw sa kanyang obserbasyon.

Unti-unting ibinaba ng babae ang hawak nito mula sa kanyang balikat patungo sa kanyang braso. Nang dumapo sa bisig ay dahan-dahang hinimas ito.

“Huwag kang mag-alala, mao-operahan din ang kapatid mo. Malapit na. Stay positive”, mahinay na salita ni Elena.

Sinuklian niya ng diretsong tingin sa mata ang babae. “Alam ko naman iyon eh. Alam ko.”

Isang makahulugang tingin ang iniwan niya sa babae bago niya nilisan ang tanggapan ng EDF.

Itutuloy. . .

Eye Donor – Part III

Posted September 6, 2011 by obotolohiya
Categories: Uncategorized

HINDI naging mahirap para kay Nardo na hanapin ang recipient na una sa listahan ng Philippine Opthalmology Center. Isang lalaki na may malabong mga mata dahil sa isang aksidente sa pabrikang pinapasukan nito, si Manuel Orbito. Tinutulungan ito ng isang pulitiko sa isang maliit na bayan sa hilaga, ginagamit upang ipagmalaki sa kampanya ang tulong na ibinibigay ng nasabing pulitiko sa kawawang obrero.

Mas makabubuting maunang makatanggap ng mata ang kapatid ko kaysa sa utu-utong lalaking ito. Ito ang tumatakbo sa isip ni Nardo.

Kasalukuyang nagbibigay ng talumpati ang pulitiko sa entablado kaharap ang daan-daang residente ng maliit na bayan ng Sta. Fe. Sa likod ng pulitiko, nakaupo sa hanay ng mga bangko kasama ng iba pang kandidato ay si Manuel, ang trabahador ng pabrika ng pestisidyo na paga-ari rin ng pulitiko. Nakihalubilo si Nardo sa mga taong nakikinig sa talumpati sa harap ng entablado.

“Ang tanging hangad ko po lamang ay ang makatulong sa mga mamamayan ng ating bayan. Kaya naman po kahit na natapos na ang aking  ikatlong termino bilang Mayor ng Sta. Fe, pinili ko pong tumakbo sa mas mababang puwesto bilang Vice-Mayor para lamang masiguro na tuluy-tuloy ang pagtulong na ginagawa natin sa ating bayan at mamamayan,” mahabang salita ng bansot at bundat na pulitiko.

“Katulad na lamang po ng kaso ng ating kasamahan na si Manuel. Bilang patunay ng aking lubos na pagmamalasakit sa ating kapwa, ako na po ang bahala sa lahat ng gastusing kakailanganin upang ang ating kasama ay muling makakita.”

Ito ang naging hudyat ni Manuel upang tumayo sa kinauupuan at lumapit sa harap ng entablado, kumaway sa mga taong halos hindi na niya maaninag, at kinapa ang kamay ng pulitiko sa kanyang kanan upang itaas ito at kasamang kumaway sa harap ng maraming tao, katulad ng instruksyon na ibinigay sa kanya ng pulitiko.

Bagama’t gustong makibunyi ng kanyang loob kasama ng mga taong naghihiyawan na animo ang pulitikong nasa kanilang harap ay ang pinakamabuting tao sa mundo, hindi maiwasan ni Manuel na manlumo nang muling maalala kung bakit ganito ang kinasapitan niya.

Naalala pa niya, sa halip na makauwi matapos ang oras ng trabaho, inutusan sila ng namamahala ng kompanya ng pestisidyo na gumawa ng mas marami pang bote ng nasabing kemikal na ipamamahagi sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng San Gabriel ilang araw mula noon. Nakuha kasi ng kompanya ang kontrata mula sa Irrigation Authority na gumawa ng libu-libong bote ng pestisidyong ipamamahagi sa mga magsasaka. Ipinagtataka man nila kung paano nakuha ng kompanya ang kontrata kahit na mas mataas ang presyong inialok nito sa Irrigation Authority, ipinagkibit-balikat na lamang nila ito sa isiping ginamit na naman ng Mayor ang impluwensya upang makuha ang kontrata.

Ilang araw na silang pinapatay sa trabaho ng pagawaan, pero ang lampas sa oras na trabaho ay katumbas lamang ng isang araw na kita. Hindi nila magawang tumanggi dahil ito lamang ang pinagkukunan nila ng kabuhayan at ayaw nilang mawala ang trabahong ito na bumubuhay sa kanilang pamilya.

Nang hapong iyon ay dumating ang Mayor kasama ng mga tauhan nito upang mag-inspeksyon sa kompanyang nakapangalan sa kanyang asawa at alamin kung maihahatid nila sa oras ang bilang ng bote ng pestisidyo na napagkasunduan.

Nang malaman mula sa namamahala ng kompanya na baka kapusin sila sa oras, walang habas at galit na galit na pinagtatabig nito ang ilang bote ng pestisidyo na nakapatong sa mesang gawaan gamit ang tungkod, sanhi upang tumapon ang laman nito sa ilang trabahador.

Ilan sa mga kasama niya ay natapunan sa braso at binti, habang siya, dahil siya ang nage-empake ng mga bote sa kahon sa ilalim ng mesa, ay natapunan sa mukha kasama ang kanyang mga mata dahilan upang humapdi ito. Ilang araw lamang ang nakalipas ay tuluyan na itong nanlabo.

Marapat lamang na ang pulitiko ang sumagot sa lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng kanyang mata dahil walang ibang dahilan kung bakit siya nagkaganito kundi ang kompanya nito ng pestisidyo at ang hindi-makataong pagpapalakad nito. Hindi makatwiran na sisihin siya ng Mayor sa kanyang kinasapitan dahil umano sa mabagal na pagtatrabaho.

Kung ginagamit man siya ng pulitiko para sa makasarili nitong kampanya, gagamitin din niya ang pagkakataon upang maibalik ang dati niyang paningin.

Matapos ang saglit na pagpapakilala sa kanya ng pulitiko sa harap ng mga tagasubaybay nito, tumalikod na siya, kinapa ang daan pababa ng entablado, pilit na iniiwasan ng malabo niyang paningin ang mga nakahambalang sa kanyang daan upang hindi mabunggo at matumba.

Iniwan na niya ang pulitiko sa patuloy na pangangako nito sa mga tao at pagbibitaw ng matatamis na salita. Ilang araw na rin siyang niyayakag ng ganid na pulitiko sa mga kampanya nito. Tapos na ang kanyang parte ngayong araw. Babalik na lamang siya bukas para sa pagpapatuloy ng kampanya upang samahan ito, katulad ng kanilang napagkasunduan.

Bagama’t nakakakita pa si Manuel, sa sobrang kalabuan ng kanyang paningin ay dinaig pa siya ng bulag sa kalsada na may hawak na tungkod na gamay ang lahat ng bagay sa kanyang paligid na kinasanayan na sa tagal ng panahong sila’y bulag.

Sa kanyang sitwasyon, kung saan nagkaroon siya ng maayos na paningin sa buong buhay niya, ang panlalabo ng paningin ay isang napakasakit na pangyayari.

Minsan, ni hindi niya makita ng maayos ang kanyang pamilya. Para bang ang mga taong kasama niya sa bahay ay mga estranghero na hindi niya mamukhaan.

Minsan, ni hindi niya mawawaan kung ano ang nasa kanyang paligid. Para bang ang lahat ng bagay na kanyang nakakapa ay bago sa kanya.

Minsan, ni hindi na niya malaman kung saang lugar siya naroroon. Para bang ang mga lugar na dati niyang napupuntahan ay hindi na pamilyar sa kanya.

Iniisip ni Manuel, mas mabuti pang nabulag na lamang siya ng tuluyan hindi katulad nito na animo pinatitikim lamang sa kanya ng tadhana ang ginhawa ng pagkakaroon ng malinaw na mga mata.

Habang naglalakad pauwi ng kanyang bahay, napansin ni Manuel na tila may sumusunod sa kanya. Mula nang lumabo ang kanyang paningin, unti-unting tumalas ang kanyang pakiramdam bilang tugon sa kakulangan ng kanyang mata na makita ang lahat ng nangyayari sa paligid.

Ipinagpatuloy ni Manuel ang paglalakad hanggang makarating sa sangangdaan na maghahatid sa kanya sa kanilang bahay. Ngunit bago pa niya natahak ang daan pauwi, isang mabilis na unday ng saksak sa kanyang harapan ang kanyang naaninag. Hindi siya maaaring magkamali, kahit malabo ang kanyang paningin, rumehistro sa kanya ang talim ng punyal mula sa tama ng sikat ng araw.

Sinubukan niya itong iwasan, pero nahagip ng patalim ang kanyang balikat. Bumangon si Manuel pero hindi niya nakita ang ugat ng puno sa kanyang harapan. Sumabit ang kanyang paa at siya’y sumubsob sa lupa. Nadinig niya ang paglagutok at pagkabali ng kanyang buto sa paa dahil sa malakas na pagbagsak.

Muli niyang sinubukang bumangon at mabilis na tinahak ang malabong daan patungo sa kanilang kabahayan, habang hawak-hawak ang balikat na patuloy na tinatakasan ng dugo. Dinig niya na sumusunod sa kanya ang salarin. Nararamdaman niya ang kagustuhan nitong siya’y patayin.

“Anong kailangan mo? Bakit mo ginagawa sa akin ito?”, aniya habang hirap at paika-ikang tumatakbo sa direksyon ng kanilang bahay.

Umagapay ng lakad si Nardo. Nasa tagiliran na niya si Manuel. Pinanood niya ang hirap nitong paglakad at ang patuloy na pagtagas ng dugo mula sa balikat nito.

“Hindi ka karapat-dapat na maging recipient ng mata”, ani Nardo. “Sa kapatid ko iyon dapat mapunta!”

Biglang sumagi sa isip ni Manuel ang mabuting balitang ipinarating sa kanya ng isa sa mga tauhan ng Mayor. Siya umano ang susunod na magiging recipient ng mata mula sa Eye Donor’s Foundation. Ngayon, hindi niya alam kung maituturing pa niya itong isang mabuting balita.

Natanaw ni Manuel, bagama’t malabo, ang pintuan ng kanilang kabahayan. Naaaninag niya ang mga halaman sa harap ng kanilang bahay na itinanim ng kaniyang asawa. Naaaninag din niya ang mga parol na matagal nang nakasabit sa harap ng kanilang tahanan, gawa ng kanyang anak, na hindi tinatanggal bagama’t matagal nang lumipas ang pasko.

Pero bago pa tuluyang mabuksan ni Manuel ang pinto ay isang gumuguhit na sakit ang dumapo sa kanyang likod, na sinundan pa ng ilang hindi maipaliwanag na sakit na nagpamanhid sa kanyang kaibuturan, bago tuluyang nawala ang kanyang ulirat. Sa huling sandali, sa pamamagitan ng malabo niyang paningin, ay naaninag niya ang maliit na kuwadro na nakapatong sa maliit na mesa, ang masaya niyang pamilya.

Itutuloy. . .