Eye Donor – Part I

 

GALIT na galit na hinila ni Malinda ang buhok ni Pining. Inubos ang lakas na ibinalandra ang katulong sa sulok ng kusina kasabay ang malakas na hataw ng hawak na sandok. Malakas na tumagas ang dugo mula sa ulo ni Pining.

Hindi pa nakuntento, kinuha ni Malinda ang kawaling kinalalagyan ng nasunog na isda at saka isinaboy kay Pining ang mainit na mantika. “Yan ang nararapat sa’yo!”

Hindi magkandatuto sa pagpalis si Pining ng init at sakit na nararamdaman. Isang malakas at mahabang hiyaw ang kusang kumawala sa kanyang bibig. Nanangis si Pining sapo ang natutunaw na balat sa mukha at balikat, habang ang kanyang mga buhok ay kusang sumama sa daloy ng mantikang tumunaw sa kanyang anit.

Si Malinda, nang makuntento sa kinalabasan ng kanyang galit, ay muling hinarap ang pagluluto at binalewala ang mga isdang nasunog dahil hindi siya napaalalahanan ni Pining habang kausap ang kapatid sa telepono. Agad na nagsalin ng panibagong mantika sa kawali.

Muling kinausap ni Malinda ang kanina’y kausap na kapatid. “Bwisit na katulong! Wala nang ginawa kundi puro kapalpakan!”, nanggagalaiting ani nito.

“Palayasin mo na kasi ‘yan!”,  gatong ni Nardo sa kabilang linya.

Habang abalang nakikipagusap si Malinda sa telepono, mula sa kanyang likuran ay iniumang ni Pining ang hawak na tinidor kay Malinda. Nakalabas ang mga ugat sa kanang kamay sa higpit ng pagkakahawak sa tinidor.

“Hayop ka!” sigaw ni Pining.

Nagulat na umikot si Malinda para lamang salubungin ang nag-aabang na tinidor na hawak ni Pining. Hindi magkamayaw si Malinda sa pagtanggal ng tinidor na itinarak ng katulong sa kanyang kanang mata. Pero hindi pa man nagagawang hugutin ni Malinda ang tinidor ay agad namang inunday ni Pining ang isa pang tinidor upang puntiryahin ang kaliwang mata.

Agad na nakaiwas si Malinda. Pero hindi niya naiwasan ang kumukulong mantika na kanyang isinalang. Bumuhos ito sa kaliwang bahagi ng mukha, na lalo pang dumagdag sa sakit na kanyang naranasan mula sa pagkakatusok ng tinidor sa kanyang kanang mata.

“Aahhh! “, matinis na palahaw ni Malinda.

“Nararapat lang sa’yo yan!” Nang makita ni Pining na naghihingalo ang amo ay agad itong tumalikod upang tumakas. Bagama’t iika-ika ay nagawa pa rin nitong makarating sa sariling kuwarto sa ilalim ng hagdan at tipunin ang kaunti nitong kagamitan.

Bago pa man siya tuluyang makalabas sa bahay ng amo ay narinig na niya ang pagdating ng isang sasakyan. Sakay nito ang kapatid na lalaki ng amo, nagmamadaling tinahak ang pinto ng kabahayan.

Dali-daling nagtago si Pining sa maliit na bodega.

Pero huli na ang lahat dahil nakita ni Nardo kung paanong pinilit na isingit ni Pining ang sarili sa maliit na siwang ng bodegang tambakan. Dahil sa hapding nararamdaman sa natunaw na balat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, kaunting daiti lamang nito sa anumang bagay ay nagdudulot kay Pining ng libong sakit, dahilan para mahirapan siyang itago ang sarili mula sa galit na galit na lalaki.

Nakita niya kung paanong tinakbo nito ang kapatid na si Malinda. Nakita niya kung paano nito sinubukang tulungan ang kapatid na naghuhumiyaw sa sakit na nararamdaman dahil sa sugat sa kanang mata at paso ng natapong mantika. Umasa si Pining na gamitin ang pagkakataon upang makatakas sa impiyernong bahay na iyon.

Pero hindi pa man nararating ni Pining ang bakal na bakod ng bahay ay naramdaman na niya ang hindi maipaliwanag na sakit mula sa anit ng kanyang ulo. Ramdam niya kung paanong humiwalay ang kanyang balat mula sa pagkakakapit nito sa kanyang bungo dahil sa malakas na paghila ng lalaki sa kanyang buhok.

Kusang nagpatangay ang pagal na katawan ni Pining sa direksyon kung saan siya hinila ng lalaki. Hindi na niya kakayanin pang kalabanin ang puwersang pilit na humihila sa halos lahat ng hibla ng kanyang buhok, na pinagdudugtong na lamang ng nalulusaw na balat.

Ang huling nakita niya sa naghihingalong balintataw ay ang pag-umang ng saksak ng lalaki patungo sa kanyang direksyon, at ang sunud-sunod na pag-unday nito.

Itutuloy….

Explore posts in the same categories: Uncategorized

Leave a comment